Ang pagtatapos ay hindi lamang pagdiriwang ng mga natamong karangalan—ito rin ay panimulang hakbang tungo sa mas malaking pananagutan. Para sa 791 nagsipagtapos ng Urdaneta City Campus, ang pagbubukas ng ika-47 Pangkalahatang Pagtatapos ng Pangasinan State University ay naging makasaysayang pagtatapos ng isang yugto at pagsisimula ng panibagong misyon bilang mga propesyonal na inaasahang maglilingkod nang may kahusayan at integridad.
Kasama ang mga nagtapos mula sa Alaminos City at Sta. Maria campuses sa ilalim ng Cluster A, tinanggap ng Batch 2026 ang kanilang mga diploma noong Hulyo 28 sa CSI Stadia, Lucao, Dagupan City. Isinagawa ang seremonya sa ilalim ng temang, “PSUnian na Hinubog sa Integridad: Handa para sa Makatao, Makabayan, at Marangal na Serbisyong Glokal.”
Pormal na iniharap ni Dr. Renato E. Salcedo, CESE, Ehekutibong Direktor ng nasabing kampus at Pangalawang Pangulo para sa Ugnayang Lokal at Pandaigdig, ang mga kandidato para sa pagtatapos bilang pagkilala sa kanilang matagumpay na paglalakbay sa pamantasan. Nakiisa rin sa seremonya ang mga Pangalawang Pangulo ng unibersidad, mga dekano, tagapangulo ng mga departamento, mga guro, kawani, mga magulang, at iba pang panauhin na naging saksi sa isa sa pinakamahalagang yugto ng buhay ng mga nagsipagtapos.
Sa kaniyang mensahe, iginiit ng pangulo ng unibersidad na si Dr. Elbert M. Galas na ang diploma ay hindi lamang patunay ng natamong edukasyon kundi simbolo rin ng pananagutang isabuhay ang kultura ng kahusayan, integridad, at paglilingkod saanman dalhin ng kanilang propesyon.
“Habang dala ninyo ang pangalan ng Pangasinan State University saan man kayo makarating, dala rin ninyo ang responsibilidad na ipagpatuloy ang kultura ng kahusayan, integridad, at paglilingkod na siyang nagbigay ng dangal sa ating institusyon.”
Aniya, ang tema ng pagtatapos ay dapat magsilbing panghabambuhay na paalala na ang tunay na tagumpay ay nasusukat hindi lamang sa mga titulo at parangal, kundi sa uri ng serbisyong maibibigay sa kapwa at sa bayan.
Naghatid naman ng mensahe ng inspirasyon si Dr. Ricmar P. Aquino, Komisyoner ng Commission on Higher Education (CHED) at panauhing pandangal ng seremonya, na hinikayat ang mga nagsipagtapos na yakapin ang patuloy na pagkatuto sa gitna ng mabilis na pagbabago ng lipunan.
“Ang diplomang hawak ninyo ay hindi ang katapusan ng paglalakbay. Ito pa lamang ang simula.”
Binigyang-diin din niya na sa panahon ng mabilis na pag-unlad ng teknolohiya at artificial intelligence, ang integridad ang mananatiling pinakamahalagang puhunan ng bawat propesyonal.
“Maaaring pabilisin ng teknolohiya ang ating paglalakbay, ngunit ang integridad ang siyang nagtuturo kung saan tayo patutungo.”
Bago ang paggawad ng mga diploma, kinilala ang mga nagtamo ng Latin honors bilang pagkilala sa kanilang natatanging pagganap sa larangan ng akademya.
Isa sa mga pinakaaabangang bahagi ng programa ang Mensahe ng Pasasalamat ni Christian B. Galera, Top 1 graduate ng Cluster A, Magna Cum Laude, at nagtapos ng Batsilyer ng Agham sa Inhenyeriyang Pangkompyuter Medyor sa mga Embedded System mula sa Urdaneta City Campus.
Sa kaniyang talumpati, kinilala niya ang mga magulang, pamilya, guro, tagapayo, mga opisyal ng unibersidad, at sambayanang Pilipino na naging katuwang sa paghubog ng bawat nagtapos. Higit sa lahat, hinamon niya ang kaniyang mga kapwa gradweyt na gamitin ang kanilang natamong edukasyon bilang kasangkapan sa paglilingkod, sa halip na maging sukatan lamang ng personal na tagumpay.
Ibinahagi rin niya ang simbolismo ng lagda—na mula sa pagiging estudyanteng naghihintay ng pirma ng iba, darating ang panahong ang sarili nilang lagda ang magsisilbing tanda ng tiwala, pananagutan, at integridad.
“Ang isang pirma ay hindi lamang pagtatapos ng isang proseso. Ito ay pagtanggap ng pananagutan.”
Nagpatuloy ang programa sa Panunumpa ng Katapatan sa Pamantasan at Panunumpa sa Pagsapi sa Alumni Association bilang pagpapatibay ng pangako ng mga bagong alumni na isabuhay ang mga pagpapahalaga ng kanilang alma mater sa kani-kanilang propesyon at komunidad.
Sa pag-awit ng himno ng unibersidad at sa tradisyunal na abaray toss, pormal na isinara ang seremonya—hudyat ng pagtatapos ng isang kabanata at pagsisimula ng panibagong yugto para sa 791 bagong gradweyt ng Urdaneta City Campus.
Bilang bahagi ng Cluster A, kasama ng Alaminos City at Sta. Maria campuses, naging daan ang seremonya upang ipagdiwang hindi lamang ang pagtatapos ng mga mag-aaral, kundi ang pagsilang ng mga propesyonal na inaasahang magdadala ng dangal sa kanilang pamantasan, komunidad, at bansa.
🖋️📷 Aian Luiz U. Bismanos