Isang panibagong pagkilala ang inilunsad kasabay ng taunang pagdiriwang ng prestihiyosong Gawad Parangal para sa Pinakanatatanging Mag-aaral ng Pangasinan State University (PSU) sa ginanap na seremonya noong Hulyo 21.
Opisyal na inilunsad ang Dexter Respicio Buted (DRB) Excellence Award, isang espesyal na parangal na nagbibigay-pugay sa pambihirang tagumpay at natatanging ambag ng pinakamahuhusay na mag-aaral ng pamantasan.
Ipinangalan ang naturang parangal sa ika-anim na dating Pangulo ng PSU na si Dr. Dexter R. Buted bilang pagkilala sa kanyang walong taong mahusay, matapat at buong pusong pamumuno sa pamantasan.
Layunin ng DRB Excellence Award na kilalanin ang mga natatanging PSUnian na nagpamalas ng kahusayan hindi lamang sa larangan ng akademiko kundi maging sa pamumuno, paglilingkod sa pamantasan at pagbibigay ng positibong ambag sa komunidad.
Pormal na inilunsad ang parangal ni Dexter A. Buted Jr., anak ni Dr. Buted, kasabay ng paggawad sa Pinakanatatanging Mag-aaral ng PSU 2026.
“And speaking of my father, we have learned to genuinely share him with this institution because we know how much he loves Pangasinan State University. He never saw it merely as an institution; he saw it as a family [At tungkol sa aking ama, natutuhan naming ibahagi siya nang buong puso sa institusyong ito dahil alam namin kung gaano niya kamahal ang Pangasinan State University. Hindi niya kailanman itinuring ang PSU bilang isang institusyon lamang; itinuring niya itong isang pamilya],” ani Buted Jr.
Dagdag pa niya, itinuring ng kanyang ama ang PSU bilang isang pamilyang karapat-dapat paglingkuran, pangalagaan at patuloy na paunlarin. Aniya, bawat tagumpay ng unibersidad ay nagdudulot ng kagalakan kay Dr. Buted dahil naniniwala itong ang bawat tagumpay ng PSU ay nangangahulugan ng mas maraming oportunidad para sa mga mag-aaral.
Ikinagalak naman ng kasalukuyang Pangulo ng PSU na si Dr. Elbert M. Galas ang patuloy na suporta ni Dr. Buted sa mga adhikain ng pamantasan. Aniya, si Dr. Buted ang naging isa sa mga nagsulong ng pagkilala sa kahusayan ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng mga programang tulad ng Gawad Parangal.
Ayon kay Dr. Galas, ang bagong parangal ay magsisilbing inspirasyon sa mga mag-aaral upang higit na isabuhay ang integridad, paggalang, kahusayan at pamumunong may malasakit sa kapwa at sa komunidad.
Ang kauna-unahang tumanggap ng DRB Excellence Award ay si Jolan D. Castillo, na kinilala rin bilang Pinakanatatanging Mag-aaral ng Pangasinan State University 2026.
#TatakPSU
#SalamatDRB
#SalamatPEMG