Itinatampok ng mga kandidato para sa Supreme Student Council taong panuruan 2022-2023 ng Pangasinan State University kampus ng Urdaneta City, ang mga plataporma sa ginanap na Miting de Avance kanina, Oktubre 13 taong kasalukuyan, alas nuebe ng umaga sa Studentsβ Activity Center (SAC) building.
Ang nasabing programa ay pinangunahan ng PSU- Urdaneta Electoral Tribunal. Ito ay taon-taong isinasagawa upang bigyan ng pagkakataon ang mga tumatakbo sa pagkapangulo hanggang sa mga kinatawan ng ibaβt-ibang kurso, na ipakilala ang kanilang mga sarili sa kapwa nila estudyante, mula sa kanilang mga katangian, kakayahan at mga natatanging parangal na makakatulong sa kanilang mga tinatakbuhang posisyon.
Ang mga kandidato ay binubuo ng partidong BANWA na pinangungunahan ni G. Carl Lewis Refuerzo, tumatakbo sa pagkapangulo, at ang nag-iisang independenteng kandidato na si Jemwil James Jovenal.
Ibinahagi ng bawat kandidato ang kani-kanilang mga plataporma, karamihan ay umiikot sa pagpapatibay ng karapatan ng mga estudyante, aktibong pagbibigay ng tamang impormasyon, paglaban sa mga maling impormasyon, at mga pisikal na proyektong makatutulong sa mga estudyante.
Upang mas matimbang pa ang karunungan ng bawat kandidato sa kani-kanilang tinatakbuhang posisyon, mahusay at matapang naman nilang sinagot ang mga naihandang mga katanungan gayon din ang mga katanungan ng mga estudyanteng nanonood sa SAC at sa live stream ng opisyal na Facebook Page ng PSU-UC Electoral Tribunal. Sa pamamagitan nito ay mas naging klaro ang bawat plano at plataporma ng mga kandidato.
Ang SSC Election 2022 ay inaasahan sa ika-18 ng Oktubre 2022 sa pamamagitan ng PSU Students’ Portal. Hinihikayat ang mga mag-aaral na isagawa ang kanilang karapatang bumoto sa nasabing araw.
Edit ni | Aira Mae Delgado, Associate Editor
Layout ni | Tricia Austine, Layout Artist