4P’s at iskolar, hindi kasama sa DSWD cash aid; DSWD ‘babawi’ sa susunod na Sabado — Tulfo
Ni | Adnes Jay Estrada, Punong Patnugot [Editor-in-Chief]
Sinabi ni Social Welfare Secretary Erwin Tulfo na hindi kasama sa Department of Social Welfare Development (DSWD) Educational Assistance Aid ang mga nakatatanggap ng tulong pinansyal mula sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at mga iskolar ng gobyerno.
“Mga sir, mga ma’am ng 4Ps, kung kayo po ay naka 4Ps, hindi na po kayo kasama dito, dahil ‘yang 4Ps na hawak niyo ay para po sa mga anak po ninyo ‘yan. Kaya po kayo merong 4Ps para po sa edukasyon ng inyong mga anak, na incentive ‘yan para pumasok ang inyong mga anak,” sinabi ni Tulfo sa isang press briefing.
Dagdag pa niya, “At saka ‘yong mga scholar na po ng gobyerno diyan, hindi na rin po kayo kasama because allotted na po ang mga pambili ninyo pati ho mga tuition ninyo.”
Ang cash assistance ay para lamang sa mga hindi pa nakatatanggap ng tulong-pinansyal mula sa gobyerno at sinabing kinakailangang ibalik ang natanggap na pera ng mga benepisyaryo upang maging kwalipikado sa pagtanggap ng DSWD Educational Assistance Program.
“Tumatanggap na po kayo ng ayuda mula sa gobyero para sa edukasyon ng mga anak ninyo. Pagbigyan naman po natin ‘yong mga hindi pa nakakatanggap ng ayuda na wala po sa 4Ps, sila naman po ang bibigyan natin ng educational assistance,” sinabi niya.
“So ‘yong mga nakatanggap po ng 4Ps, aba eh i-re-refund niyo po sa amin ‘yan, ikakaltas po sa matatanggap niyo next month, para magkalinawan po tayo,” idinagdag pa nito.
“Miscommunication” umano ang naging dahilan ng napakaraming tao sa mga opisina ng DSWD.
“Ang nangyari po ay nagkaroon ng miscommunication. It was a miscommunication down the line, alright? When I was informed na ‘Okay tayo, Secretary, may walk-in tayo’, okay naman din ‘yon sir, kasi ngayon, rinerecalibrate namin every minute,” sinabi ni Tulfo nang tanungin ng media.
Babawi umano ang DSWD sa mga susunod na Sabado.
“Sa mga darating na Sabado, katuwang na namin ang DILG at LGU. … Babawi po kami next Saturday. Sorry po uli,” pahayag ni Tulfo sa kanyang Facebook post.
Ang puwedeng matanggap na pera ay P1,000 para estudyante sa elementary, P2,000 sa junior high school, P3,000 para sa senior high school, at 4,000 para sa mga estudyante ng college o vocational courses.
Para sa impormasyon ukol sa DSWD Education Aid, BASAHIN: https://www.facebook.com/288544605124306/posts/1092413004737458/
Layout Artist | Roma Marie Signey, Layout Artist
Inedit ni | Aira Mae Delgado, Tagapangasiwang Patnugot (Managing Editor)